Huwebes, Marso 1, 2018

Ang Walang Hangganang Pagtitiis


---------------------------------
-------------------------------------------------
Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”​ —Jeremias 10:23.

------------------------------------
------------------------------------------------------

“Bakit galit ang mundo sa akin?”
“Bakit ako sa lahat ng tao ang dapat maghirap?”
“Bakit ako palagi ang nasasaktan?”
“Ano ang ginawa ko?”


         Ito ang mga tanong na palaging na sa ating isipan kapag tayo’y nagtitiis. Sa kabila ng napakagandang mundong na sa isipan natin, laganap pa rin ang diskriminasyon sa buong mundo. Ang malungkot na katotohanang ito ay hindi lamang nagpapatunay na napakasama at napakalupit ng panahong kinabubuhayan natin, at ipinakikita rin nito na hindi perpekto ang mga tao. Diskriminasyon ang dahilan kung bakit nabibigyan ng maling kahulugan, o ipinagwawalang-bahala pa ng mga tao ang mga katotohanang salungat sa kanilang mga opinyon. Posibleng pagmulan ng diskriminasyon ang waring wala namang masama pero maling pamantayang moral sa loob ng pamilya, o posible rin itong magmula sa mga nagtataguyod ng propaganda laban sa ibang lahi o kultura. Nariyan din ang nasyonalismo at maling mga turo ng relihiyon, at maaaring epekto rin ito ng mataas na pride. Ano ang diskriminasyon? Ito’y isang simpleng salita, ngunit ito’y makapagbigay ng malubha at mabigat na epekto sa mga taong naging biktima nito.


         Bakit may diskriminasyon? Kahit saan ka pang lumingon, ang diskiriminasyon ay hindi mawawala. May mga taong nanghuhusga dahil sa kanilang katangian, katungkulan, kakayahan o kapangyarihang kakabit sa kanilang katauhan, subalit ang hindi nila alam ay nasasaktan na pala ang taong hinuhusgahan nila. Totoo naman na may mga pagkakataon na akala natin ang ating ginawa ay hindi nakapagdulot ng sakit sa ibang tao, dahil hindi natin nakita at naunawaan na nakakasakit na pala tayo. Tayong lahat ay biktima ng diskriminasyon, ngunit tayong lahat din ang nagkasala sa ibang taong nasaktan natin sa ating mga salita’t kilos. Tutulungan din tayo nitong suriin ang ating saloobin nang mas timbang, at harapin ang diskriminasyon sa wastong paraan kapag naging biktima tayo nito.


ANONG NANGYARI SA ATING BANSA NGAYON?
------------------------------------------------------

      Ayon sa isang ulat ng Human Rights Watch tungkol sa mga estudyanteng LGBT nakararanas ng bullying at abuso, dumadanas ang mga estudyante sa maraming lugar sa Pilipinas ng bullying at diskriminasyon sa eskuwelahan, dahil sa kanilang oryentasyong sexual at identidad sa kasarian. Gayong may batas sa Pilipinas na nagbibigay ng proteksiyon sa diskriminasyon at pag-etsa-puwera sa mga paaralan. Kailangang kumilos ng mga mambabatas at administrador ng mga eskuwelahan upang siguruhin lubos na naipapatupad ang mga ito. Nagdodokumento ang 68-pahinang ulat na “‘Hayaan N’yo Na Lang Kami’: Diskriminasyon Laban sa Mga Estudyanteng LGBT sa Pilipinas,” ng lawak ng pang-aabuso sa mga estudyanteng lesbian, gay, bisexual, at transgender (LGBT) sa sekundaryang paaralan. Dinedetalye rito ang talamak na bullying at harassment, mga patakaran at gawing mapanghusga, at ang kawalan ng resources na sumisira sa karapatan at edukasyon ng kabataang LGBT sa ilalim ng mga internasyonal na batas at naglalagay sa kanila sa panganib. “Ang mga estudyanteng LGBT sa Pilipinas ay kadalasang target ng pangungutya at pati karahasan,” sabi ni Ryan Thoreson, isang fellow sa programang pangkarapatan ng LGBT sa Human Rights Watch. “At sa maraming beses, ang mga guro at administrador pa ang sumasali sa ganitong pagmamaltrato imbes na magsalita laban sa diskriminasyon at gawing lugar ang klasrum kung saan matututo ang lahat.”

·   ANALISIS---------------------------------------

           Bukod sa kanilang pagmamaltrato sa mga estudyanteng LGBT, hindi rin nagsalita ang mga guro at administrador laban sa diskriminasyon at gawing lugar ang klasrum kung saan matututo ang lahat. Dahil sa diskriminasyon na ibigay sa mga estudyanteng LGBT, nagreresulta ito sa kawalan ng suporta na sumisira sa karapatan ng edukasyon. Napansin ng mga mambabatas sa Pilipinas na isang problema ang pambubully sa sekundaryang paaralan at gumawa na sila ng mga importanteng hakbang para tugunan ito, ayon sa Human Rights Watch. Noong 2013, nagpasa ang Kongreso ng Pilipinas  ng anti-bullying law at ang Kagawaran ng Edukasyon (o DepEd) ay naglabas din ng alituntuning nagbabawal sa pambubully na ayon sa oryentasyong sexual at identidad sa kasarian. Sa kampanya sa pagkapangulo noong 2016, hayagang nangondena si Rodrigo Duterte sa bullying at diskriminasyon sa mga LGBT. Nagpahayag noon ang Pangulong Duterte ng pagkontra sa bullying at diskriminasyon laban sa LGBT, at dapat na gawin niya ito ulit. 


          Simula idineklara ni Pangulong Duterte ito, ang mga awtoridad sa bawat antas ng gobyerno ay dapat na gumawa ng hakbang para maitaguyod ang pagiging ligtas, pagkapantay ng turing, at pagkakaroon ng akses sa edukasyon para sa mga estudyante. Ang Kagawaran ng Edukasyon ay dapat mag-sarbey sa mga eskuwelahan para masigurong ang mga proteksiyong kontra-bullying ay maipapatupad nang lubos, magsanay ng mga guro na tumutugon sa pangangailangan ng mga estudyanteng LGBT, maisasama ang mga isyung LGBT sa modyul sa kurikulum, at maipalaganap ang mga patakarang nagbabawal ng diskriminasyon sa mga eskuwelahan. Sa mismong paaralan, ang mga administrador ay dapat na pagtibayin ang mga patakaran laban sa bullying at diskriminasyon upang masigurong ligtas at nairerespeto ang kabataang LGBT. Ang pagbabawal ng bullying ng kabataang LGBT ay nagiging importanteng unang hakbang, at ngayon ang mga mambabatas at administrador ng paaralan ay dapat kumilos upang ang mga proteksiyong ito ay mangyaring maging makabuluhan at nagtataguyod ng respeto sa kabataang LGBT sa kabuuan ng sistemang ng edukasyon sa Pilipinas.

KATAPUSAN NG PAGTITIIS
------------------------------------------------------

    Diskriminasyon? Parang walang pagkakataong mawala, pero may pag-asa pa ring gumanda ang sitwasyon. Totoong hindi natin maaalis ang diskriminasyon sa palibot natin, pero pwede nating alisin ang diskriminasyon na posibleng nasa puso natin. Ang bawat tao ay natatangi, subalit ang lahat ng tao ay pantay-pantay pa rin. Ang ganda sanang mabuhay sa mundo kung puro pagmamahalan lamang at walang away o dili kaya’y diskriminasyon. Kahit ano ang katangian, katungkulan, kakayahan o kapangyarihang kakabit sa kanilang katauhan, tao pa rin tayo, at mayroon pa rin tayong pag-asang baguhin ang mga epekto ng diskriminasyon. Dapat din nating tandaan na tayong lahat ay may tendensiyang magtangi dahil tayo’y makakapag-isip at makakapagsalita, kadalasan nang kailangan ang malaking pagsisikap at kabatiran para maiwasan ang diskriminasyon, at kung may sapat na pangganyak, magagawa ito. Patas tayong lahat, at nasa ating kamay and desisyong magbago. Kung hindi natin kayang magbago sa ating sarili, paano nating ipakita sa iba na dapat silang magbago? Lahat naman sa atin ay may pagkakaiba, ngunit kung marunong tayong magpakumbaba at isipan na lamang ang ikakabuti sa isa’t isa, marahil hindi na tayo makikipagbangayan.


-----------------------------------
---------------------------------------------------
“Lahat ng tao ay ipinanganak na malaya at may pare-parehong dangal at karapatan. Sila’y binigyan ng budhi at ng kakayahang mag-isip at dapat makitungo sa isa’t isa sa espiritu ng pagkakapatiran.”​
—Artikulo 1 ng Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao.
--------------------------------------------------
-------------------------------

MGA SANGGUNIAN
------------------------------------------------------